Psychoanalysis | Sa Orihinal na Panulat ni Nikki Buluran Cabanting
Psychoanalysis
Sa Orihinal na Panulat ni Nikki Buluran Cabanting
Hindi ko na matunton kung nasaan na nga ba ang kauna-unahang tula na aking hinabi, hindi sa aking kinaklahang wika, kundi sa wikang nakahumalingan kong aralin, ang wikang Ingles. Hindi lang ang balarila ng naturang lengguwahe, kundi lalo na ang mga salita na hindi karaniwang ginagamit sa pang-araw-araw na pakikipagtalastasan.
Mas lumabas ang mga naaral kong "highfalutin terms" sa mga sumunod kong tula, sumunod matapos ang ilang panulat sa Filipino, at isang payak na tula sa Ingles.
Hindi ko ilalapag sa kanilang pagkasusunod-sunod (ayon sa taon o panahon na naisulat) ang aking mga akda, kundi sa pinakatumatak sa akin dahil sa emosiyon na kaakibat ng mga ito.
Ang mauuna sa lahat ay siya ring binigyang-buhay ng anak ko sa aming YouTube Channel, bunsod na rin nang pagkayamot sa bahay noong kasagsagan ng pandemiya.
Ito ang aking tulang PSYCHOANALYSIS.
Bigyan ko lang kayo ng konteksto. Tungkol ito sa aking masalimuot na sitwasiyon simula pagkabata hanggang sa pagkakaroon ng kamalayan.
Natural na hanapin ng anak ang pagmamahal ng ina, subalit kabaligtaran ang naibigay sa akin. Hindi ko maunawaan noon kung saan nanggagaling ang pagkamuhi ni Mama, Pilit kong lumapit, pero makailang beses akong tinaboy.
Umabot sa punto na naisip kong baka ampon ako. Hanggang sa naging batang-ina ako sa edad na labing-walo (18) na taong gulang. Sa pamamagitan ng anak ko, nagkaroon kami ni Mama nang maayos na ugnayan bilang mag-ina.
Mahirap man sa una, naunawaan ko kinalaunan na lahat ng hindi magandang pakikitungo sa akin simula bata pa lang ako ay siya mismong pakikitungo ng mga magulang ni Mama sa kanya.
Narcissistic parents are burst forth by their narcissistic primary caregivers.
Sa Sikolohiya, tinatawag itong "projection", kung tama ang pagkaaalala ko.
Aaminin ko na ginawa ko ring mekanismo ang narsisismo para makabuo ako ng panibagong persona. Isang pagkakakilanlan na bumago sa takbo ng buhay ko, pero sa ngayon, itong Psychoanalysis muna ang ibabahagi ko sa inyo.
Sa kasalukuyan patuloy ang magandang koneksiyon naman ni Mama. Naging "bakulaw" man siya sa kamusmusan ko, pinili kong kinitil ang galit sa puso ko na bumuhay rin ng isa pang BAKULAW na nagmani-obra ng buhay ko bago ako nagkaroon ng totoong pagkamulat.
Kung umabot kayo rito, ito na talaga. Ilalapag ko na ang Psychoanalysis na isinulat ko noong labing-anim na taon ako at ginawa naming spoken poetry ng anak ko noong 2020 sa aming lumang YT channel.