Bulalas ni Narsing
Bulalas ni Narsing | Tinta Para sa Bulak
Ang tagal ko na ring hindi nakapagsulat. Ang dami ko ring agam-agam kung maibabalik ko nga bang muli si Narsing Makata. Mula sa pagsusulat ng mga tula tuwing ako'y nababagot at lalo na kung tinatawag ako ng papel at panulat para ihayag ang pagkilatis ko sa katotohanan at pagtalima ko sa aking nararamdaman.
Nagsimula noong hayskul, sa loob ng isa sa mga silid-aralan ng International Montessori Center, habang ang karamihan ay nakatuon sa pag-intindi ng aralin sa Liknayan, siya namang paglalakbay ng diwa ko sa kung saan. Hindi ako mapakali. Wala mang malinaw na ideya kung ano nga ba ang magiging bunga ng ilang minuto na pagsusulat ko ng una kong tula sa wikang Filipino, ang alam ko lang, hindi na muli ako mag-iisa; kasama ko na ang aking mga likha sa pag-intindi at pagtuklas ng kung SINO nga ba ako, kung ANO nga ba ang katuturan ko bilang tao, kung BAKIT ba ako nandito, at kung PAANO ko gagawing makabuluhan ang buhay ko.
Mababalasik na emosiyon ang nanudyo. Atensiyon ang sumunod. Hanggang sa napansin ng isang guro ang mga tula ko. Nakapagsulat sa student publication. Napiling humalinhin sa isang estudyante na kakatawan sa paaralan para sa isang kompetisyon sa pagsulat ng sanaysay, hanggang sa naging Punong Patnugot ng DOULOS (International Montessori Center’s Campus Journal).
Nagtuloy-tuloy ang lahat sa unang mga taon ko sa Centro Escolar University (Malolos). Nabigyan ng pagkakataon na maging Literary Editor ng Malolos Academe (CEU Malolos’ Official Student Publication). Huminto man ng isang taon dahil sa napalungi ang mga lunggati, sinubukan kong muling umusad.
Kumuha ng pagsusulit para maging isa sa manunulat ng THE BEDAN (San Beda University’s Official Student Publication, CAS), at umarangkadang muli si Narsing.
Sa pagtatapos ng kursong Sikolohiya sa San Beda University (Mendiola), hindi na lumiban sa akin ang kagustuhan na makapagsulat, hindi para pagkakitaan, kundi para maging patuloy na kalasag ko sa mapangutya, mapangdusta, at mapanikil na mundo.
Ngunit sa bawat oportunidad na naibigay sa akin sa iba't ibang industriya, laging napapansin si Narsing, ang manunulat. Nagsimula man ako sa Sales, tumawid sa Recruitment, at nagkaroon ng mahabang panahon sa Executive Assistance, laging ang manunulat ang nagkakaroon ng pagkilala.
Hindi man sinasadya na madagdagan ang sakop ng responsibilidad ko sa mga naging trabaho ko, kakatwa at malaking palaisapan sa akin na lagi akong pinagsusulat, maski sa wikang Ingles; palaging nagkakaroon ng pagkakataon na makapagsulat ako.
Ang huling pagsulat ni Narsing ay para sa isang tech company na nakabase sa Estados Unidos. Nakapagsusulat man ako sa trabaho, pero alam ko na hindi tugma sa layunin namin ni Narsing ang tinatahak ko.
Inilalathala ko ito hindi lang para sa kasiyahan ni Narsing, kundi para sa kaganapan ng pagkatao (self-actualization) ni Nikki Buluran Cabanting.
Nabuo ko na ang konsepto noong labing anim na taong gulang ako...
Gusto ko lang anyayahan ang mga makababasa nito, ito ang nga pala ang TINTA PARA SA BULAK.
- Nikki Buluran Cabanting, tawagin n'yo nalang ako na Narsing